Monday, October 10, 2011

Pambungad na Salita sa Pambansang Balitaktakan ng Mga Lider Kababaihan Ukol sa Kalusugan at Karapatang PangReporduksyon ng Kababaihang Pilipino

(Oktubre 11 -12, 2011, Bulwagang Tandang Sora, UP Diliman, Q.C.)



Magandang umaga sa ating lahat at salamat sa inyong pagdalo sa Pambansang Balitaktakan ng Mga Lider Kababaihan Ukol sa Kalusugan at Karapatang PangReporduksyon ng Kababaihang Pilipino.

Nag-uusap tayo sa isang makasaysayang panahon. Makasaysayan dahil malapit ng matapos ang 16 taong pakikibaka para sa isang panukalang batas na magseseguro ng mga serbisyo sa pangreproduktibong kalusugan. Sa loob ng mahigit isang dekadang pagsisikap, nakakaseguro tayo dahil sa paulit-ulit na siyentipikong survey, na ang karamihan ng Pilipino ay sumasang-ayon sa ating adhikain. Sabi nga ni Dr. Junice Demeterio Melgar, ang taumbayan ay nag-desisyon na, Kongreso na lang ang hindi. Ang ibig niyang sabihin siguro ay marami-rami rin sa Kongreso ang hindi makapgdesisyun dahil hindi pa yata nababalitaan na trabaho nilang dinggin ang boses ng taumbayan.

Kaya't makasaysayan ito—kapag pumasa ang bill sasariwain nito ang maraming pang ibang adhikain natin para sa bayan---ang demokrasya, ang pananagot ng mga kinatawan sa kinakatawan, ang hindi pagbibigay pabor sa iisang relihiyon—marami pang iba.

Makasaysayan din ang panahon ito dahil ito'y ambag sa mga tagumpay ng kilusang pemista na sinimulan ng ating mga ninuno. Halimbawa nito ay ang mga babaeng nagtatag ng Assosacion Feminista Filipino nuong 1905 (AFF). Matagal din ang kanilang pakikipaglaban sa mga machong kongresista at kaparian para mapanalo ang karapatang bumoto ng kababaihan. Pipitsugin nga ang 16 na taon—sa kanila 32 years, 1937 nang naipanalo ang karapatang bumoto para sa kababaihan. Idinaan nila sa plebisito, hindi lamang sa paghain ng panukalang batas.

Nguni't alam niyo ba na ang mga ninunong peminista ay pro-RH din? Tinatag ng AFF ang Gota de Leche nung 1909, na itinataguyod ang papapasuso, nutrisyon at iba pang usaping pangkalusugan ng mga nanay at sanggol.

Kaya't mga kabaro, huwag ninyong pakinggan ang mga nagsasabing impluwensyado daw lamang tayo ng mga Kanluraning kaisipan. Aba, nauna pa tayo sa maraming kilusan ng kababaihan sa Europa at sa US na bansagan ang sarili na feminista at lumaban para sa RH!

Higit pa, huwag ninyong pakinggan ang mga nagsasabing labag sa kultura at kabihasnan nating Pilipino ang pag-usapan ang sekswalidad at karapatan nang malaya at hindi magpapa-kahon sa baluktot nilang mga pananaw tungkol sa pagkababae at pagkalalaki. Sila ang magsasabi sa atin kung ano ang pagiging Pilipino? Sila, na tinatalikuran ang kasaysayan at kasalukuyan?

Tayo din ang mga Pilipino. Tayo din ang mga relihiyoso. Tayo din ang may moralidad at espiritwalidad. Hindi nila nabili yan na para sa kanila lamang tulad ng pagbili nila sa mga malalaking bahay, kumbento, seminaryo. Sana nga makinig sila sa usapan natin ngayon ng makita nila na may daan tungo sa reproduksyon at sekswalidad na mapagpalaya para sa lahat—kasama na ang mga pari at relihiyosong sinserong naghahangad ng kabutihan.

Sa loob ng 2 araw, tatahakin natin ang mapagpalayang daan na ito. Pagkatapos ay magsasanga ulit ang ating landas. Nguni't dahil nagkasama tayo muli ngayon, uuwi tayong masaya dahil alam nating magkikita tayo ulit at baka naman sa susunod, pasado na ang RH bill.

Maraming salamat, magandang umaga at mabuhay tayong lahat!

No comments: